HomeHOME   
 
3-D disaster map from AusAID to lift Mayor Lani's Disaster Risk Reduction efforts in Taguig

October 6, 2011

Disaster risk reduction efforts ni Mayor Lani ng Taguig palalakasin ng donasyong 3D disaster map ng AusAID

Itinuturing ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na isang magandang balita ang pagkakapili sa lungsod para sa pilot test ng high-resolution geo-hazard map na ipinagkaloob ng pamahalaan ng Australia sa Pilipinas sa pamamagitan ng mas malawak na disaster risk reduction assistance program na kung tawagin ay BRACE Program.

Sinabi ni Mayor Cayetano na makatutulong ng malaki sa disaster risk reduction efforts ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang teknolohiyang ito na gumagamit ng laser beams na kung tawagin ay Light Detection and Ranging (LIDAR) para makakuha ng three-dimensional (3-D) model ng isang lugar.

"Magsisilbing malaking hamon para sa pamahalaang lungsod kung paano gagamitin ng mga katulad naming decision-maker ang teknolohiyang ito para makabuo ng isang sophisticated geo-hazard map na magagamit sa paghahanda sa mga darating na unos tulad ng bagyo, baha, pagguho ng lupa, pagtama ng ipo-ipo at paglindol. Sa pamamagitan nito ay malalaman natin kung anu-anong lugar sa Taguig ang may mga nakaambang panganib," giit ni Mayor Cayetano.

Para naman kay Ronald Galicia, officer-in-charge ng Taguig Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), ang LIDAR technology ay isang welcome development para sa pamahalaang lungsod.

"Tamang-tama ang pagdating ng teknolohiyang ito sa mga pagbabagong nagaganap sa ating kapaligiran. Kailangang-kailangan natin ito ngayon para makatugon sa mga pagbabagong dulot ng climate change," pahayag ni Galicia.

Napili ng Australian Aid (AusAID) ang Taguig para sa pilot testing ng LIDAR technology dahil pasibol pa lamang ang development sa lungsod.

Ayon kay Andrew Egan ng AusAId, makikipagtulungan sila sa Pamahalaang Lungsod ng Taguig para mapagbuti nito ang land use planning sa sandaling makakuha na sila ng mga datos mula sa high-resolution maps.

Iginiit naman ni Atty. Darwin Icay, tagapagsalita ni Mayor Cayetano na tunay na malaki ang maitutulong nito sa hangarin ng pamahalaang lungsod na ihanda ang Taguig sa mga unos katulad ng Bagyong Ondoy.

"May iniwang aral sa atin ang epekto ng Bagyong Ondoy. Dahil dito ay may mga nai-punla nang hakbangin ang Cayetano administration para makatugon sa isang trahedya. Ang pagkakaroon ng sophisticated geo-hazard map ay akmang-akma sa ikinakasang 24/7 health centers, ang planong pagmu-modernisa ng lokal na pamatay-sunog, ang Geographic Information System at maging ang Taguig City Integrated Survey System (TCISS)," pagtatapos ni Atty. Icay.

 

 

 

2010