Binay, tinabla ng NCRPO sa Fort Bonifacio


Mananatili sa hurisdiksyon ng Taguig Police ang Bonifacio Global City (BGC) kasama ang Fort Bonifacio hanggang walang pinal na desisyon ang hukuman sa usapin ng kung anong lungsod ang nakasasakop dito.

Ito ang paglilinaw ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) matapos makailang ulit na pinasok ng mga kawani ng Makati City government ang mga nasasakupang lugar ng Taguig tulad ng Palar Village at maging ang BGC.

Kaugnay nito ay ipinag-utos ni NCRPO Regional Director Chief Superintendent Marcelo Garbo Jr., na pairalin ang “status quo” sa mga lugar sa Taguig na inaangkin ng Makati.

Sa kanyang direktiba, binigyang diin ni Garbo na mananatili sa Taguig at Makati ang hurisdiksyon ng mga ito sa kani-kanilang nasasakupan hanggang hindi pa nakapagpapalabas ng pinal na desisyon ang hukuman sa usaping ligal.

Para kay Taguig Chief of Police Sr. Superintendent Arthur Felix Asis isang welcome development ang ipinalabas na direktiba ng NCRPO.

“At least ngayon malinaw na ang lahat. Umaasa akong wala nang magiging kalituhan. Dahil sa kautusan, ang pagpapatrolya at ang traffic management sa BGC ay mananatili sa poder ng Taguig.”

Una rito ay personal na hiniling ni Mayor Binay kay Chief Supt. Jose Erwin Villacorte na agad na isalin sa Makati ang hurisdiksyon ng BGC na tanging financial district ng Taguig at pinanggagalingan nang ipinantutustos nito sa mga programa ng lokal na pamahalaan ng Taguig.

Ang posisyon ng NCRPO sa usapin ay pareho sa posisyon ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig.

Paulit-ulit na nananawagan si Mayor Lani Cayetano kay Mayor Binay na maghinay-hinay habang hindi pa natutuldukan ang kaso kasabay nang pakiusap na maging responsable at huwag isubo sa posibleng kapahamakan ang kanyang mga tauhan.

“Ako’y nakikiusap pa rin kay Mayor Binay na huwag gumawa ng mga hakbanging makapagpapataas ng tensyon sa pagitan ng magkabilang panig. Naniniwala akong kung susundin lamang ang proseso ng batas ay hindi kailangang maghamunan o di kaya ay magkasakitan.”

Sinabi ni Mayor Lani na ikinatutuwa niya ang ipinalabas na desisyon ni NCRPO Chief Director Garbo dahil nagawa nitong linawin sa hanay ng pulisya kung kaninong hurisdiksyon ang BGC at ang Fort Bonifacio.###


Taguig City Hotlines

Taguig City Hall 555- 7800 Police Taguig Mobile Patrol 0921-7221972
Fire Department at City Hall 642-9982 Public Order & Safety Office 642-1261
Fire Department Taguig Central 837-0740 / 837-4496 Taguig Environmental / Solid Waste 642-7557
Fire Department at FTI 837-4496 Traffic Management Office 640-7006
Lake & River Patrol 628-1377 Taguig-Pateros District Hospital 837-8132
Office of Social Welfare & Development 555-7919 Taguig City Rescue 0917-5503727
PNP Taguig / COP 642-2060 Taguig Emergency Hotline 165-7777
Tactical Operation Center Police 642-3582 Taguig Command Center 789- 3200
Police 117 / Emergency 1623 Doctors-On- Call 0917- 8210896