Taguig kay Binay : Huwag mo ibala sa kanyon mga tauhan mo


Umaapela ang Taguig Public Order and Safety Office (POSO) kay Makati Mayor Junjun Binay na huwag nitong ibala sa kanyon ang kanyang mga tagasunod para lamang sa kanyang interes na masakop ang Fort Bonifacio kahit wala pang pinal na desisyon sa kaso.

“Responsibilidad ng isang mayor bilang punong lungsod na pangalagaan ang kanyang mga tauhan.”

Ito ang pakiusap ni Taguig (POSO) chief Kim Pautin kay Binay sa harap ng maraming beses na pagpasok sa Taguig ng mga tauhan ng Makati City Government na nagdudulot ng tensyon.

Kaugnay nito ay nakikiusap si Pautin kay Binay na itigil na ang mga hakbanging nagpapataas ng tensyon sa pagitan ng dalawang lungsod.

“Hindi naman lingid sa lahat na may umiiral ngayong tensyon sa pagitan ng Taguig at Makati dahil na rin sa mga nabitiwang pahayag mismo ni Binay at mga hakbanging nagpapabaga sa mainit nang sitwasyon,” giit ni Pautin.

Partikular na tinukoy ni Pautin ay ang mga pahayag ni Binay na kanya nang kinukuha ang Fort Bonifacio sa Taguig partikular ang financial district na Bonifacio Global City (BGC) gayundin ang walang habas na pagpasok doon at sa ibang lugar sa Taguig ng mga tauhan ng Makati Public Safety Authority (MAPSA) at maging ng Makati Police.

“Hindi ko masabi kung ano ang nasa isip ni Mayor Binay pero kung responsable siyang pinuno ay hindi siya magpapalabas ng mga kautusan na puwedeng ikapahamak ng kanyang mga tauhan,”ayon kay Pautin.

Nagkaroon ng tensyon sa Palar Village ilang linggo ang nakalipas, dahil nagpadala ng mga sinasabing gagawa ng kalsada si Binay na hindi sumasangguni sa barangay na nakasasakop doon.

Kamakailan ay hiniling din ni Binay sa Southern Police District na agad nang ibigay sa Makati Police ang hurisdiksyon sa BGC na kinontra naman agad ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP).

Pinayuhan ni Pautin si Binay na sumunod na lamang sa proseso at hintayin ang magiging pinal na desisyon ng hukuman.

“ Nakapaghain na ang Taguig ng motion for reconsideration sa hukuman, para sa ikabubuti ng lahat ay mas maiging sundin ito ni Mayor Binay,” pagtatapos ni Pautin.


Taguig City Hotlines

Taguig City Hall 555- 7800 Police Taguig Mobile Patrol 0921-7221972
Fire Department at City Hall 642-9982 Public Order & Safety Office 642-1261
Fire Department Taguig Central 837-0740 / 837-4496 Taguig Environmental / Solid Waste 642-7557
Fire Department at FTI 837-4496 Traffic Management Office 640-7006
Lake & River Patrol 628-1377 Taguig-Pateros District Hospital 837-8132
Office of Social Welfare & Development 555-7919 Taguig City Rescue 0917-5503727
PNP Taguig / COP 642-2060 Taguig Emergency Hotline 165-7777
Tactical Operation Center Police 642-3582 Taguig Command Center 789- 3200
Police 117 / Emergency 1623 Doctors-On- Call 0917- 8210896